Mahal mo ba ang iyong BUHAY?
Gaanu kahalaga ba ang kalusugan mo? Naisip mo bang kung anu na kaya ang estado ng iyong katawan. Ang nasa loob nito na hindi natin nakikita, may deperensya na ba o wala pa naman. Pumupunta ba tayo sa doktor para mapasuri natin ito o ipinagwalang bahala lang natin ito? Marami katanungang kay hirap sagutin, kasi hindi lahat tayo ay partikular sa ating kalusugan. Sabi nga ng iba hayaan mong kusa mahilom ang sugat. Oo, tama nga iyan, pero hindi ka ba nangangamba baka may kaakibat itong inpeksyon. Malay mo, baka sa akala mo mabuti na ang sugat pero sa loob nito ay may nagbabadyang panganib.
Oo, dapat nga tayo maging positibo sa ating buhay. Pero sa kalusugan ay dapat tayong magsikap para malaman o maagapan man lang ang mga di kanais-nais na mangyari sa atin. Kung may bisyo ka tulad ng sigarilyo man o alak, alam na natin ang dapat nating gawin. At tama rin ang sinasabi nila na mahirap mawala ang bisyo ng tao, lalo't lalo na kung ilang taon rin itong kanyang gawain. Pero pwede ito dahan-dahanin para mawala na sa sistema mo ang bisyong iyong kinahuhumalingan.
Madaling sabihin pero kay hirap gawin, oo nga. Pero kailan tayo gagawa ng paraan para masabi natin na nasa wastong lagay ang ating katawan. Mahirap baliwalain ang mga bagay na ito, dahil alam natin lahat na mas mahirap ang buhay kung tayo ay dapuan ng sakit. Mas mabuti pang maging gutom kaysa may karamdamang iniinda.
Ang paggawa ng mga nararapat na gawain sa araw-araw tulad ng pagkain ng sapat at wastong pagkain, pag-eehersisyo at pagpatingin sa doktor ay ang mga mainam gawin. Dito masasabi natin na tayo ay nasa tamang landas ng ating buhay. Sino ba naman ang hindi gusto maging masaya at may mahabang buhay. Maranasan ang mga okasyon sa ating pamilya, makapasyal sa gustong puntahan, makihalubilo sa iba at mapakita ang ating pagpapahalaga sa ating pamilya.
Magagawa natin ito hindi lamang para sa ating sarili kundi para rin sa mga taong nagmamahal sa atin. Isipin mo na lang kung mawala ka ng maaga na may mga anak ka pang tinataguyod. Paanu na ang kanilang kinabukasan? Hindi mo na sila masusubaybayan, hindi mo na sila magabayan sa kanilang paglaki.
Lahat naman tayo nais nating mabuhay ng matagal at may magandang kalusugan. Isaisip lang natin na mas mahalaga ang buhay natin kaysa ibang walang kwentang bisyo o anupaman. Maging masaya, may tiwala sa Diyos, mapagmahal at masipag. Maging susi ito sa iyong malusog na katawan at kaluluwa...
Comments
Post a Comment